Paano Maging Healthy sa Tag-ulan

Banko-articleimage-healthy-ulan

Panahon na naman ng tag-ulan at uso na naman ang sakit.  Importanteng maging handa tayong labanan ang anumang sakit na dadapo sa atin at sa ating mga mahal sa buhay, dahil bukod sa apektado ang ating kalusugan, apektado din ang ating bulsa dahil sa biglaang gastos na dulot nito.

 

Pero huwag mag-alala, may mga madaling paraan para makaiwas sa sakit kahit pa sa tag-ulan. Heto ang maipapayo ng BanKO para maging healthy at free sa sakit!

 

Kumain ng Healthy

Isa sa mga pinakamadaling gawin para makaiwas sa sakit ay ang kumain ng mga masusustansyang pagkain. Una na sa listahan ay ang mga pagkain na mayaman sa vitamin-c tulad ng kamatis, bayabas, citrus fruits, at mga berde at madadahong gulay. Makatutulong ang mga ito sa pagpapalakas at pagpapatibay ng immune system.

 

Ang mga pagkaing may sabaw tulad ng sinigang, tinola, at nilagang baka ay mainam naman na panlaban sa malamig at maulan na panahon.

 

Uminom ng walong basong tubig kada araw

Mahalaga pa ring uminom ng maraming tubig  kahit sa tag-ulan para mailabas sa katawan ang toxins. Tiyaking malinis ang tubig na iniinom dahil maaaring nakontamina ito ng mga kilalang diseases tulad ng amoebiasis at cholera.

 

Para makasigurong malinis ang tubig na iinumin, pakuluan ito o kaya’y uminom na lamang ng purified na tubig.

 

Ugaliing maghugas ng mga Kamay

Siguraduhing malinis ang kamay mula sa mga mikrobyo, bacteria, at virus na maaaring pagmulan ng sakit. Kuskusin nang maigi ang pagitan ng mga daliri, ang likod ng kamay, at pati na rin ang dulo ng mga kuko gamit ang sabon. Hugasan ang kamay ng tubig at saka patuyuin gamit ang tuwalya, tissue, o dryer. Ang wastong paghuhugas ng kamay ay maaaring panlaban sa mga sakit gaya ng sipon, pagtatae, flu, pneumonia, at iba pang uri ng impeksyon.

 

Panatiliing Malinis ang Paligid

Laganap tuwing tag-ulan ang dengue at leptospirosis. Ang subok na paraan para maiwasan ang mga sakit na ito ay ang pagpapanatiling malinis ng iyong paligid. Laging siguradihing walang nakatambak na tubig o bagay na puwedeng pamugaran ng itlog ng lamok sa iyong tahanan tulad ng halamanan, mga gamit na bote, mga pinagiimbakan ng tubig, at kanal.

 

Siguraduhing malinis ang mga estero. Itapon ang mga basura sa tamang tapunan. Makakatulong ka na sa pag-iwas sa baha, mababawasan pa ang mga kaso ng Leptospirosis na infection mula sa ihi ng mga hayop na sumasama sa baha.

 

Laging Magdala ng Panangga sa Ulan

Mataas man ang sikat ng araw, hindi rin maiiwasan ang ulan dulot ng pabago-bagong panahon. Huwag hintaying abutan ka ng ulan sa opisina, sa labas ng bahay, o habang nagko-commute. Laging magbaon ng payong sa bag dahil umulan man o umaraw, siguradong magagamit mo ito.

 

Para sa mas maraming financial tips at suggestions, i-like at follow kami sa Facebook o pumunta sa aming official BanKO website.

Leave a reply